Pahayag ni National Artist Nora Aunor sa Pagpanaw ni Ms. Jaclyn Jose
Kasama po ako ng buong industriya na nagluluksa sa pagpanaw ni Ms. Jaclyn Jose, isang premyadong aktres at kaibigang maituturing ng marami sa atin. Ang kaniyang buhay at ang maraming pelikula at programa sa telebisyon na ating tinangkilik ay mga mabubuting alaalang maaari nating isipin sa mga sandaling itong lugmok ang ating mga puso sa kaniyang pagkawala.
Taus puso po akong nakikiramay sa kaniyang mga naulila at sa mga kasamahan nating lubos na rin napamahal sa kaniya at itinuturing siyang isang malaking kawalan sa industriya.
Hindi ko rin po makakalimutan ang mga pelikulang magkasama kami mula sa Flor Contemplacion hanggang sa Pieta na huli na namin palang magiging proyekto. Lubos ko ring ikinatuwa ang minsan niyang pagkapanalo sa Cannes, isang bagay na alam ko pong magbubukas pa ng maraming pagkakataon para sa pelikulang Filipino at sa mga kapwa-nating artistang hinding-hindi matatawaran ang galing tulad ni Jaclyn.
Laging masakit ang dulot ng kamatayan lalo pa’t isang dakilang artista ang nawala sa atin. Ngunit mananatili ang pag-asa at pag-ibig at ang sining na buong buhay niyang ibinigay sa atin, kaya’t sa gitna ng pagluluksa pong ito, naroroon rin ang pasasalamat natin sa kaniya, sa buhay, sining at karangalang ibinigay niya sa atin bilang mga Filipino.
Maraming salamat, Ms. Jaclyn Jose at isang mapayapang paglalakbay at yakapin ka sana ng ating manlilikha.
No comments